No gadget, no internet, no probem - DepEd

Hindi required ang gadget at internet access para makapagpatuloy ng pag-aaral.

Ito ang nilinaw ng Department of Education (DepEd) sa isang pahayag na inilabas nitong Hunyo 18 tungkol sa napabalitang pagpapakamatay ng isang estudyante sa Albay dahil umano sa pag-aalala tungkol sa online class.

Ayon sa DepEd, isa lamang ang online learning sa mga pagpipilian ng mga estudyante at may iba pang paraan ng pag-aaral na inihahanda para maisakatuparan ang home-based learning at alternative delivery modes gaya ng telebisyon, radyo, modules o kombinasyon ng alinman sa mga ito.

Sa kabila ng pakikiramay ng ahensya sa naulila ng pumanaw na estudyante, minabuti ng DepEd na huwag munang magkomento ukol dito hangga't hindi pa natutukoy ang totoong dahilan ng pagpapakamatay ng estudyante at bilang respeto na rin sa nagdadalamhating pamilya.

Dismayado din ang DepEd sa mga tao at grupong ginagamit umano ang insedente para iligaw ang publiko sa tunay na plano ng ahensya para sa paparating na school.

Ayon pa sa DepEd, iresponsable at malisyoso ang paggamit sa isyu ng pagpapakamatay ng mag-aaral upang maliitin ang mga hakbang ng kagawaran.

Hindi rin daw bulag ang kagawaran sa hindi pantay na sitwasyon ng mga mag-aaral dahilan upang magsagawa ng mga hakbang upang matiyak na walang maiiwang kabataan sa gitna ng pandemya.

Nangako din ang ahensya na gagawin nito ang lahat upang maipagpatuloy ang dekalidad na edukasyon sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa.


VP Leni, tutulong sa paggawa ng mg educational videos para sa blended learning

Matapos mangalap pondo sa ipamimigay na mga gadget para mga mag-aaral at mga guro, plano naman ng opisina ni Vice President Leni Robredo na tumulong sa paggawa ng educational videos.

Ayon sa pangalawang pangulo, ito ay resulta ng kanilang konsultasyon sa mga guro at mga eksperto kung saan makatutulong umano sa mga guro at mga magulang ang mga educational videos sa planong distance learning ng mga paaralan.

Naniniwala din si Robredo na malaki ang maitutulong ng mga video na ito sa mga guro at mga magulang sa pag-alalay sa pag-aaral ng mga estudyante gamit ang iba't ibang platform sa gitna ng pandemya.

Nakikipagtulungan na rin umano sa kanila ang mga eksperto upang makagawa din ng mga instuctional videos na layong magbigay-gabay sa mga guro at mga magulang sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa new normal ng pag-aaral sa mga eskwelahan, mga tahanan, at mga komunidad.

Nanawaagan din si Robredo ng tulong lalo na sa mga production houses at iba pang may talento sa paggawa ng ganitong uri ng mga video na makipagtulungan sa kanila upang maisakatuparan ang proyekto.


Online course sa WinS program, libre na may CPD points pa

Libre at may CPD points ang LEADING WINS, isang online course tungkol sa Water, Sanitation, and Hygiene in Schools o WinS Program ng Department of Education (DepEd).

Layunin ng LEADING WINS na magkaroon ng pagsasanay ang mga guro, mga principal, mga focal person at lahat ng kabilang sa WinS technical group sa pagpapatupad ng DepEd Order No. 10, s. 2016 o ang Policy and Guidelines for the Comprehensive Water, Sanitation and Hygiene in Schools (WinS) Program.

Ayon sa DepEd, isang mahalagang elemento ang pagpapalaganap ng WinS Program sa pagtugon ng ahensya sa COVID-19 at sa pagpapatupad ng Learning Continuity Plan.

Mahalaga din, aniya, ang mas maayos na pagpapatupad ng programa upang maka-comply ang mga paaralan sa minimum health standards at masiguro na magkakaroon ng tamang hygiene practices ang mga mag-aaral at mga guro sa muling pagbubukas ng mga eskwelahan.

Ang online course ay self-paced at bukas ang enrollment hanggang July 31 at maaaring kumpletuhin hanggang August 21, 2020.

Pumunta lamang sa bit.ly/WinS2020HowToEnroll para malaman kung paano makakapag-enroll sa LEADING WINS online course.


Paglabag sa health protocol sa isang graduation ceremony, iniimbestigahan na ng DepEd

Nagsasagawa na ng fact-finding investigation ang Department of Education (DepEd) Region v sa viral video ng isang graduation ceremony kung saan nagsalitan sa paggamit ng iisang mask ang mga batang nakasuot ng toga.

Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na pinagpapaliwanag na nila ang mga taong sangkot sa nasabing insidente sa Barangay Dogongan, Daet, Camarines Norte at pinamomonitor naman sa DepEd COVID-19 task force sa lugar ang lagay ng mga mag-aaral na naging bahagi ng seremonya.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang kagawaran sa Barangay Health Response and Emergency Team at lokal na pamahalaan sa ikalulutas ng kaso sa lalong madaling panahon.

Nilinaw din ng DepEd na suspendido rin ang pagsasagawa ng face-to-face graduation at moving-up ceremonies at tanging virtual rites lamang ang pinapayagan sa mga paaralanag magsasagawa ng end of school year rites.

Kailangan ding magpaalam sa Schools Division Superintendent ang mga paaralang magsasagawa ng e-graduation bago ito gawin at ipakita ang kanilang plano kung paano isasagawa ang seremonya.

Kasama din sa mga binanggit ng DepEd na ang lahat ng mga aktibidad ng ahensya ay kinakailangang sumunod sa mga umiiral na mga patakaran ng DepEd at ng IATF na nakabase naman sa umiiral na community quarantine sa bawat lugar.

Tiniyak din ng ahensya na patuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga seminar sa kanilang mga guro at iba pang stakeholders upang mas maintindihan ang kani-kanilang gampanin sa usaping pangkalusugan.

Muling nananawagan ang DepEd sa mga ahensyang sakop nito at sa publiko na rin na laging isaalang-alang ang minimum health standards upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at iba ang nakahahawang sakit.




Mga guro sa private schools gagawing online tutors ng DepEd

Planong gawing online tutors ng Department of Education (DepEd) ang mga guro sa mga pribadong eskwelahan na nawalan ng trabaho dahil sa community quarantine.

Sa isang panayam, sinabi ni House Speaker Allan Peter Cayetano na ito ang naging resulta ng kanilang pulong kasama si DepEd Secretary Leonor Briones bilang bahagi ng isinasagawa ng kagawaran kaugnay sa pagpapatupad ng new normal sa sektor ng edukasyon sa bansa.

Ang programa ay magiging bahagi ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.

Layunin ng programa na hindi lamang makatulong sa mga gurong nawalan ng trabaho kundi makaagapay din sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa pagpapatupad ng distance learning habang ipinagbabawal pa ang face-to-face classes sa mga paaralan.

Sa pagtataya ng DepEd, marami sa mga private schools sa bansa ang posibleng magbawas ng empleyado dahil inaasahan ding magiging mas mababa ang bilang ng mga mag-eenrol sa mga pribadong paaralan.

Inaasahan din ng DepEd na may maliliit na mga private schools ang posible ding magsara dahil pa rin sa epekto ng community quarantine.

Ayon pa kay Cayetano, natalakay din sa kanilang pulong na posibleng gamitin ng DepEd ang pondong nakalaan sana para sa mga libro sa produksyon ng mga learning materials para sa blended learning.


DILG sa LGUs: tulungan ang mga paaralan na makasabay sa new normal

Nanawagan si DILG Secretary Eduardo Año sa mga Local Government Units (LGUs) na tumulong sa mga paghahanda ng mga paaralan sa kanilang nasasakupan para sa new normal sa edukasyon.

Ayon sa kalihim handa ang mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa kahit anong paraan sa mga guro, mag-aaral, at mga magulang upang maging produktibo ang magbubukas na school year sa gitna ng banta ng COVID-19.

Kasama rin sa panawagan ni Año ang mga barangay na hinimok na makiisa at maging malikhain sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga paaralan at mga mag-aaral sa mga bagong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuturo.

Ayon pa rin sa opisyal, malaki ang magagawa ng mga lokal na opisyal upang lalong maging matagumpay ang bagong bihis na Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela ng Department of Education (DepEd).

Sa bagong konsepto ng Brigada Eskwela ng DepEd, nakatuon ang mga paghahanda ng mga paaralan sa pagpapatupad ng mga bagong pamamaraan ng pag-aaral partikular na ang distance learning at ang pagsisigurong magiging ligtas ang mga paaralan sa nakahahawang sakit.

Pinasalamatan din ni Año ang mga LGUs na una nang nangako o nagpaabot na ng tulong sa mga paaralan tulad ng pagbibigay ng gamit gaya ng laptop at printed materials.

Ang pakiiisa ng pamahalaan, mga paaralan, at mga magulang ang susi umano upang masiguro na makakakuha ang mga kabataan ng pinakamainam na edukasyon sa kabila ng hamon sa mga bagong paraan ng pag-aaral sa gitna ng health crisis, ayon pa rin sa opisyal.


Dahil bawal ang face-to-face classes, private schools mas malaki ang gastos -DepEd

Mas malaki ang maaaring gastusin ng mga private schools sa pagpapatupad ng distance learning bunsod ng pagbabawal ng face-to-face classes hangga't walang bakuna kontra-COVID-19.

Sa isang panayam, sinabi DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na mas mahal ang pagpapatupad ng distance learning.

Ayon sa opisyal malaki ang kailangang punan sa pag-convert ng mga kagamitang karaniwang ginagamit sa mga klasrum patungo sa distance learning.

Makikita sa breakdown ng tuition fees ng mga private school kung paano nito gugugulin ang kanilang budget upang matugunan ang mga bagong pangangailangan dulot ng pandemya, dagdag pa ni Malaluan.

Pwede din umanong tingnan ang ilang budget na maaaring gamitin ng mga paaralan gaya ng laboratory fee at library fee upang maiwasang lumobo ang kanilang sisingiling tuition fees.


Pangulong Duterte, planong bumili ng mga radyo bilang tugon sa blended learning sa malalayong lugar

Kasama sa plano ni Pangulong Duterte ang pagbili ng mga transistor radio para sa mga mag-aaral sa malalayong lugar na mahirap ang komunikasyon.

Sa kanyang pahayag Lunes ng gabi, June 15, nanindigan ang pangulo na walang face-to-face classes sa pagbubukas ng mga klase sa August 24.

Sa iminungkahing blended learning ng DepEd, gagamit ng iba't ibang pamamaraan upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral tulad ng online at mga printed modules.

Ayon sa pangulo ang mga bibilhing radyo na ipamamahagi sa malalayong barangay ang magsisilbing daan upang magkaroon pa rin ng komunikasyon ang mga guro sa kanilang mga mag-aaral at isa sa mga opsyon sa blended learning.

Bago nito, nagpahayag ng pag-alala ang pangulo sa kalagayan ng mga mag-aaral sa liblib na mga lugar na hindi naaabot ng internet at walang pasilidad gaya ng cellphone at telebisyon.

Sa ngayon, aniya, ay wala pang pondo ang pamahalaan para sa planong pagbili ng mga radyo pero nangakong hahanapan ito ng paraan bago magtapos ang linggong ito.


Walang 'sarap ng buhay' mode sa mga guro kahit work from home

Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro at iba pang kawani na kailangan pa ring sundin ang walong oras na trabaho sa loob ng limang araw sa isang linggo kahit naka-work from home ang mga ito.

Ayon sa DepEd Order No. 011, s. 2020 na nilagdaan ni Secretary Leonor Briones nitong June 15, anuman ang uri ng work arrangement ng mga guro at nonteaching personnel sa mga pampublikong paaralan at mga opisina ng DepEd ay istriktong imomonitor pa rin ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng Workweek Plan at Individual Daily Log and Accomplishment Report.

Kailangan din umanong laging ipaalam sa kanilang immediate superior ang oras ng pagsisimula at pagtatapos ng kanilang trabaho sa isang araw sa pamamagitan ng napagkasunduang paraan ng komunikasyon.

Dapat ding laging handa ang mga kawani ng kagawaran na tumugon sa mga utos, request, at tanong sa kanila sa oras ng kanilang trabaho.

Ipatutupad pa rin ng DepEd ang Daily Time Record o Form 48 at logbook upang itala ang oras ng pagpasok ng mga nagrereport sa mga paaralan at opisina alinsunod sa kautusan ng Civil Service Commission pero hindi ipinapayo ng DepEd sa ngayon ang paggamit ng biometric device para sa time in at time out ng mga empleyado.

Ang hindi pagtalima sa mga ito ay nangangahulugang hindi nagtrabaho at ituturing na absent ang empleyado.


DepEd, ibabase sa umiiral na community quarantine ng lugar ang work arrangement ng mga guro at kawani simula June 22

Simula June 22, nakabase na umiiral na community quarantine sa mga lugar sa Pilipinas ang magiging work arrangement ng mga guro at mga kawani ng Department of Education.

Ayon sa DepEd Order No. 011, s. 2020 na inilabas ni DepEd Secretary Leonor Briones nitong June 15, inuutusan ang mga Undersectary, Assistant Secretary, at Regional Director ng kagawaran na pangunahan ang ligtas na pagbabalik sa trabaho ng guro at nonteaching personnel depende sa klasipikasyon ng community quarantine ng kanilang lugar.

Matatandaang naglabas ng direktiba ang pamunuan ng DepEd na nagpatupad ng work-from-home arrangement ang mga guro sa buong Pilipinas sa unang linggo ng Hunyo sa pagsisimula ng enrollment period at pinalawig pa hanggang June 21.

Sa bagong guidelines, mananatili ang skeleton workforce sa mga opisina ng DepEd na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ at Modified ECQ habang naka-work from home ang karamihan sa mga empleyado.

Sa mga lugar naman sa nasa General Community Quarantine of GCQ, maaari nang magreport sa trabaho ang hindi lalampas sa 50% ng mga empleyado upang magkaroon ng physical distancing.

Maari ding magpatupad ng alternative work arrangement sa mga GCQ na lugar kung saan maaaring magsalitan ng pasok ang mga empleyado.

Samantala, maaari nang mag-full operation o panatilihin ang alternative work arrangement sa mga lugar naman na nasa Modified GCQ habang ipinatutupad pa rin ang mga health standards.

New normal standards naman ang ipatutupad sa oras na tanggalin na sa anumang community quarantine ang isang lugar.

Ang new normal standard ay ang pagpapatupad pa rin ng minimum public health standard at pagbabawal ng malakihang pagtitipon hangga't hindi tuluyang nawawala ang panganib dulot ng COVID-19.

Siniguro naman ng DepEd ng magiging mahigpit sila sa pagpapatupad ng alternative work arrangement sa kanilang mga kawani upang tuloy-tuloy ang mga serbisyo ng ahensiya at hindi maaaksaya ang pondo ng pamahalaan.


Drop box, bagong enrollment system ng DepEd

Inanunsyo ng DepEd ang bagong paraan ng pag-eenrol sa mga pampublikong paaralan - ang drop box.

Sa isang pahayag sinabi ng DepEd na karagdagan ang drop box sa ipinatutupad na remote enrollment kung saan nagsasagawa ng enrollment ang mga paaralan sa pamamagitan ng text, tawag sa telepono, online, at social media.

Ang mga drop box kiosk ay ipupwesto sa mga barangay hall at mga eskwelahan kung saan pwedeng kunin ang learner enrollment form at doon din ito ibabalik pakatapos masagutan.

Pinaalalahanan din ng DepEd na para lamang sa mga walang access sa remote enrollment ang drop box kiosk at isang adult lamang na myembro ng pamilya ang maaaring magtungo sa kiosk.

Dagdag pa ng DepEd, dapat ding sundin ang mga health protocols hindi lamang ng mga magulang kundi ng mga gurong itatalaga sa mga kiosk tulad ng pagsusuot ng face mask, physical distancing, at pag-disinfect.

Ayon din sa DepEd, mahalaga ang datos na makukuha sa enrollment ngayong taon para ma-validate ang datos ng isinagawang early registration noong Enero at malaman din ang bilang ng mga mag-aaral na papasok sa mga pampublikong paaralan.

Nanindigan din ang DepEd na walang magaganap na face-to-face classes hangga't hindi nasisiguro ang kaligtasan ng lahat.

Pinasalamatan din ng kagawaran ang mga mag-aaral at mga magulang sa ipinakitang suporta sa dalawang linggo ng enrollment kung saan mahigit sampunng milyon na ang nakapagrehistro.

Patunay umano ito na suportado ng mga Pilipino ang misyon ng DepEd na patuloy na makapaghatid pa rin ng pagkakataong makapag-aral ang mga kabataang Pinoy sa gitna ng pandemya.


DepEd may pa-webinar tungkol sa financial wellness

May pa-webinar ang DepEd para sa mga empleyado nito na tatalakay sa financial wellness.

Ayon sa DepEd, ang webinar ay bahagi ng kanilang Stronger From Home program bilang tugon sa COVID-19 pandemic na naglalayong isulong ang overall well-being ng kanilang mga tauhan.

Pangungunahan ang mga webinars ng mga kilalang financial experts sa Pilipinas na magbabahagi ng kanilang mga kaalaman sa personal finances, investments, at electronic transactions.

Kabilang dito sina Bb. Salve Duplito na tatalakay sa Financial Planning in Times of Pandemic sa darating na June 17, G. Randell Tiongson tungkol naman sa Investing in Times of Pandemic sa June 24, at Bb. Anna Lissa Racines tungkol naman sa ePayments and Online Banking sa July 1.

Ang Employee Welfare Division ng DepEd ang nag-organisa ng mga webinar sa pakikipagtulungan ng BPI Foundation, Inc at ng Bangko Sentral ng Pilipinas.


Latest

Grade 2 EsP Learning Module 4th Quarter

Popular