Paglabag sa health protocol sa isang graduation ceremony, iniimbestigahan na ng DepEd

Nagsasagawa na ng fact-finding investigation ang Department of Education (DepEd) Region v sa viral video ng isang graduation ceremony kung saan nagsalitan sa paggamit ng iisang mask ang mga batang nakasuot ng toga.

Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na pinagpapaliwanag na nila ang mga taong sangkot sa nasabing insidente sa Barangay Dogongan, Daet, Camarines Norte at pinamomonitor naman sa DepEd COVID-19 task force sa lugar ang lagay ng mga mag-aaral na naging bahagi ng seremonya.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang kagawaran sa Barangay Health Response and Emergency Team at lokal na pamahalaan sa ikalulutas ng kaso sa lalong madaling panahon.

Nilinaw din ng DepEd na suspendido rin ang pagsasagawa ng face-to-face graduation at moving-up ceremonies at tanging virtual rites lamang ang pinapayagan sa mga paaralanag magsasagawa ng end of school year rites.

Kailangan ding magpaalam sa Schools Division Superintendent ang mga paaralang magsasagawa ng e-graduation bago ito gawin at ipakita ang kanilang plano kung paano isasagawa ang seremonya.

Kasama din sa mga binanggit ng DepEd na ang lahat ng mga aktibidad ng ahensya ay kinakailangang sumunod sa mga umiiral na mga patakaran ng DepEd at ng IATF na nakabase naman sa umiiral na community quarantine sa bawat lugar.

Tiniyak din ng ahensya na patuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga seminar sa kanilang mga guro at iba pang stakeholders upang mas maintindihan ang kani-kanilang gampanin sa usaping pangkalusugan.

Muling nananawagan ang DepEd sa mga ahensyang sakop nito at sa publiko na rin na laging isaalang-alang ang minimum health standards upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at iba ang nakahahawang sakit.




Latest

Grade 2 EsP Learning Module 4th Quarter

Popular