Mga guro sa private schools gagawing online tutors ng DepEd

Planong gawing online tutors ng Department of Education (DepEd) ang mga guro sa mga pribadong eskwelahan na nawalan ng trabaho dahil sa community quarantine.

Sa isang panayam, sinabi ni House Speaker Allan Peter Cayetano na ito ang naging resulta ng kanilang pulong kasama si DepEd Secretary Leonor Briones bilang bahagi ng isinasagawa ng kagawaran kaugnay sa pagpapatupad ng new normal sa sektor ng edukasyon sa bansa.

Ang programa ay magiging bahagi ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.

Layunin ng programa na hindi lamang makatulong sa mga gurong nawalan ng trabaho kundi makaagapay din sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa pagpapatupad ng distance learning habang ipinagbabawal pa ang face-to-face classes sa mga paaralan.

Sa pagtataya ng DepEd, marami sa mga private schools sa bansa ang posibleng magbawas ng empleyado dahil inaasahan ding magiging mas mababa ang bilang ng mga mag-eenrol sa mga pribadong paaralan.

Inaasahan din ng DepEd na may maliliit na mga private schools ang posible ding magsara dahil pa rin sa epekto ng community quarantine.

Ayon pa kay Cayetano, natalakay din sa kanilang pulong na posibleng gamitin ng DepEd ang pondong nakalaan sana para sa mga libro sa produksyon ng mga learning materials para sa blended learning.


Latest

Grade 2 EsP Learning Module 4th Quarter

Popular